top of page

8 Tanong tungkol sa Teknolohiya at sa Pag-iisip ng Iyong Anak


Nakaupo ang anak mo sa sofa. Hindi siya gumagalaw pero pansing nakatungo siya sa kaniyang palad habang nakatitig sa i-pad o tablet. Naitanong mo kaya sa iyong sarili kung ano ang nangyayari sa kaniyang pag-iisap matapos maka-isandaang laro na siya ng video game na iyon. Nakasisiguro akong kung hindi video game ang inaatupag ng iyong anak, Facebook o TV naman ang pinag-aaksayahan ng oras. Marahil nakakapagbiro tayo dati tungkol sa masamang epekto ng media at teknolohiya sa ating mga anak. Subalit, mayroong tunay na mga pag-aaral tungkol dito na nagtutulak sa ating seryosohin ang wastong pag-aalaga ng pag-iisip ng mga bata.

Pinaliligiran ng tablet, flat screen, cellphone, at computer ang lahat ng mga bata ngayon. Ang mga teknolohiyang ito ay sadyang nakaka-adik. Paano nga ba matutularan ang saya na dulot ng video game, ang tuwa sa tuwing napapanood ang paboritong TV show, o ang galak sa tuwing nababasa at nakikita ang ginagawa ng mga kaibigan sa Facebook? Kapag nasanay na ang mga pandama ng bata sa tuwang dulot ng mga teknolohiyang nabanggit, mahirap ng bumalik sa mga gawaing payak tulad ng paglalaro ng lego, manika, pagbabasa ng aklat o paggawa ng takdang-aralin.

Kay raming napagkaka-abalahan ng mga bata noong unang panahon. Mayroong panahon kung saan naglalaro sila ng patintero at tumbang-preso. Nagkikita rin ang barkada sa tapat ng tindahan upang magkuwentuhan. Kung minsan, makikita mo silang nagbabasa ng mga sikat na nobela at aklat. Higit sa lahat, tumutulong silang maglinis ng bahay o maghugas ng pinggan. Ngayon, ang paghehersisyo, personal na pakikipag-usap, pagbabasa ng aklat at pagtulong sa gawaing-bahay ay mabilis na binabago ng teknolohiya. Habang patuloy na nakatutok ang mga bata sa liwanag ng screen, patuloy ring naisasantabi ang mahahalagang kasanayan tulad ng pagbabasa, pagsusulat, pagkakaroon ng mahabang attention span, pagkakaroon ng pagmamalasakit sa iba, at marami pang iba. Siguro nga’t napatatalas ang visual-motor skills, multi-tasking skills at natututo ng ilang kaalaman mula sa internet ang mga bata subalit, kung hindi na sila sanay umupo nang tahimik habang naka-pokus sa kanilang silya sa loob ng klase, ano kaya ang nawawala sa kanila?

Subukin niyong tingnan ang inyong sarili. Nasa harap kayo ng inyong computer at marahil, maraming tabs o windows ang nakabukas habang kayo ay nagtatrabaho. Maaaring nakabukas ang inyong email account, Facebook account at Youtube. Nakikinig ka kasi ng musika habang nagbabasa ng balita na naka-post sa Facebook wall ng kaibigan mo. Paminsan-minsan, sisilip ka sa email at baka mayroong bagong mensahe mula sa iyong boss o katrabaho. Tutunog ang iyong cellphone at titingnan mo kung sino. Sa madaling salita, ikaw at ako (tayong lahat) ay distracted. Sinanay kasi natin ang ating pag-iisip na tumanggap ng maraming impormasyon habang nasasakripisyo ang pagsisid sa iilan lamang.

Bilang mga magulang, kailangan nating tulungan ang ating mga anak matutunan ang mag-concentrate. Nakababagot man ang aralin, mahaba man ang aklat na pinapabasa, at marami man ang pinasasagutan, kailangang matutunan ng mga batang manatili sa isang gawain at hindi maabala hanggang matapos ito. May mga pag-aaral kasing humihina at lumiliit ang gray matter na nasa bandang frontal lobe ng utak sa mga taong adik sa video games at internet. Malaki ang kinalaman sa pagpaplano, pagsasa-ayos, pagkontrol ng mga emosyon at pagpapatupad ng mga gawain ang frontal lobe. Sumakatuwid, habang pinapayagan natin gambalain tayo ng maraming bagay, lalong napipigil ang pag-talas ng ating pag-iisip.

Nangangamba ka ba para sa iyong anak? Nais mo bang matukoy ang problemang maaaring hinaharap ng iyong anak ngayon? Subukan mong sagutin ang mga sumusunod:

  • Kaya ba ng anak mong magbasa nang mahaba at may pag-unawa?

  • Kaya bang umupo at mag-pokus ang iyong anak sa paaralan at simbahan?

  • Kumusta ang kasanayan niya sa pakikisalamuha sa iba?

  • Kaya ba niyang magkaroon ng pagmamalasakit sa kaibigan?

  • Kaya ba niyang tukuyin ang ibig sabihin ng ibang tao sapamamagitan ng pagbabasa ng mukha?

  • Madali ba siyang naiinis tuwing nawawalay mula sa kaniyang video game, TV o computer o malimit na nakakalimot sa mga tungkulin?

  • Nakatutulog ba nang maayos at nasa oras ang iyong anak?

  • Nakakapag-ehersisyo ba o anumang porma ng pagpapalakas ng katawan ang iyong anak kada araw?

Ang tulog at ehersisyo ay mga likas na paraan upang mapaglabanan ang stress. Iyan ay totoo para sa parehong bata at matanda. Sa kasamaang palad, nagagawa rin ng teknolohiyang pagaangin ang stress sa tao. Sa tuwing naglalaro sila ng sikat na video game o nanonood ng paboritong TV show, dinadala ng neurotransmitter na dopamine ang signal ng saya sa kanilang utak. Hindi man masama ang makaranas ng saya, hindi ito malusog kung masobrahan. Kung masanay ang utak sa pinadadalang signal ng saya, hahanap-hanapin ng bata ang susunod na makapagpapasaya sa kaniya. Malimit marinig mula sa mga bata ang paghingi ng mga palugit o palusot tulad ng “Ma, sige na, tapusin ko lang po ‘tong pinapanood ko.” at “ Hindi pa po ako tapos sa nilalaro ko. Mamaya na po.” Ang nakakapagtaka, matapos maglaro, mag-computer o manood ng TV ang mga bata, hindi sila payapa. Hindi sila tunay na nakapahinga. Ito ay dahil kapag sobra ang paggamit ng teknolohiya, hindi tumitigil ang pagtanggap ng utak sa mga signal. Ang walang tigil na pagtanggap ng signal ang siyang nagpapataas sa stress hormone na cortisol sa utak.

May mabuti bang balita mula sa mga ito? Hindi pa huling magsimula ng mabuting pag-uugali na makatutulong sa pagpapa-unlad ng pag-iisip ng ating mga anak. Simulang bawasan ang kanilang paggamit ng teknolohiya at tulungang tuklasin ang ibang mga gawaing nakatulong sa iyong paglaki tulad ng paglalaro bilang pamilya at pagbibigay sa kanila ng mga tungkulin sa bahay. Ipatuklas din ang hiwaga ng pagbabasa sapamamagitan ng pagdadala sa kaniya sa bookstore, sabay na pagbabasa o pagbabasa ng kuwento para sa kaniya. Ikaw lang ang makatutulong sa iyong anak. Hindi kaya napapanahon nang paunlarin muli ang pag-iisip ng ating anak?

(Mula sa panulat ni Dr. Gary Chapman at Arlene Pellicane sa kanilang aklat na Growing Up Social: Raising Relational Kids in a Screen-Driven World)

Recent Posts