top of page

Katatagan. 8 Paraan kung Paano mo Maituturo sa Anak Mo


Maraming pagkatalo, pagkabagsak, at pagkabigo ang mararansan ng bata sa loob ng ilang taon niyang pag-aaral sa paaralan. Ang pinakamabisang paraan upang mapaglabanan ang mga karanasang ito ay ang paghubog ng batang matatag.

Strong-child.jpg

Ano ang pagiging matatag? Ito ang pagkakaroon ng kasanayang pagtayo muli mula sa pagkakahulog at pagpupunyagi sa gitna ng mga hamon. Bahagi rin nito ang mabisang paghawak sa anumang problema habang naihahatid ang trabaho sa pinakamainam na paraan.

Malaki ang ginagampanang tungkulin ng mga magulang sa paghubog ng katatagan sa bata. Naririto ang walong mungkahi:

Payong Magulang #1: Makinig

Pakikinig ang isa sa pinakamahalagang paraan upang maturuan ng pagkatatag ang bata. Naipararamdam sa kaniya na siya’y mahalaga tuwing naka-pokus ang ating atensyon sa kaniya. Lalo na sa panahong siya’y malungkot at nangangailangan ng pagkalinga, unang lunas ang pakikinig. Dahil sa pakikinig, nakikita niyang mayroon kang pakialam sa kaniyang sitwasyon. Nakikita niyang nailalagay mo ang sarili mo sa kaniyang kalagayan. Nakikita niyang sinusubukan mo siyang unawain na hindi nanghuhusga.

Payong Magulang #2: Subuking tumingin sapamamagitan ng kaniyang pananaw

Ipagpalagay nating hindi naging matagumpay ang araw mo. Nagkaproblema ka sa opisina at dahil dito, nalungkot ka. Nang ikinuwento mo ang nangyari sa iyong asawa, sinabi lang niyang “pagbutihan mo na lang sa susunod.”

Totoo nga ang sinabi niya subalit makatutulong kaya naman ang kaniyang tugon sa nararamdaman mo? Mapapawi kaya naman ang iyong lungkot dahil lang sinabi niyang pagbutihan mo na lang sa susunod? Kung hindi mapawi o mabawasan man lang ang lungkot mo, siguradong hindi lang lungkot ang maramdaman mo kundi pagkadismaya sa asawa.

Ganito rin ang pagbibigay payo sa mga bata tuwing sila’y mayroong masamang nararamdaman. Hindi sapat ang pagsasabi ng “Ok lang yan. Hindi ka dapat malungkot.” Maaaring isipin ng batang hindi tama ang kaniyang nararamdaman at hindi normal ang pagkalungkot kaya hindi siya normal na bata.

Higit na wasto ang pagmunihan ang kanilang nararamdaman at umiwas sa pagbibigay payo at pangangaral agad-agad. Subukin ang mga katagang, “Mukhang may nangyari sa iyo ngayong araw na hindi maganda. Gusto mong ikuwento sa akin?” Siguraduhin mo sa kaniyang normal ang makaramdam ng pagkadismaya. “Talaga ngang maiinis ako sa pangyayaring iyon.”

Kapag maramdman niyang nauunawaan mo siya, higit na magtitiwala siya sa iyo. Sa halip na pangaral ang maririnig niya, tanungin mo kung paano ka makatutulong. Hayaan mo siyang mag-isip ng paraan kung paano niya malalampasan ang paghamon na kaniyang nararanasan. Tandaang, naririyan ka para siya suportahan at gabayan na muling bumangon at pag-isipan ang mga susunod na hakbang.

Payong Magulang #3: Tanggapin siya

Higit na tumatatag ang batang tanggap siya ng mga mahal niya sa buhay. Para talagang maramdaman niyang tinatanggap siya, iwasan ang paghuhusga o pagbabatikos sa kaniya. Nakabababa ng tiwala sa sarili ang patuloy na pagbabatikos sa kaniya o sa kaniyang ginagawa. Dagdag dito, magsisimulang pagtakhan ng bata ang kaniyang sariling kahalagahan sa buhay kapag siya’y patuloy na nababatikos.

Sa kabaligtaran, nararamdaman ng batang mayroon siyang halaga kapag mayroon siyang magulang na nagpapahalaga sa kaniyang mga ginagawa. Kapag nararamdaman niyang mayroon siyang halaga sa kaniyang magulang, higit siyang nagsisikap maipagpatuloy ang pakiramdam na ito. Ibig sabihin, kung sakaling may paghamon man siyang maranasan sa hinaharap, magkakaroon siya ng pagpupunyaging ipagpatuloy ang ginagawa.

Malaking tulong din sa pagpapatatag ng bata ang pagtutukoy kung alin sa kaniyang ginawa ang iyong sinasang-ayunan o minamanal. “Ang galing kung paano mo kinausap nang maayos yung mga batang nang-aasar sa iyo. Ang swerte ko talaga. Ang bait ng anak ko.” Tandaang maging ispesipiko. “Alam ko kung paano mo pinagbuhusan ng panahon yung takdang-aralin mo. Kahit hindi ka nakakuha ng mataas na marka, tingin ko sapat na sa akin na malamang pinaghandaan mo talaga iyan.”

Iwasan ang pagbanggit ng mga katagang hindi natuturuan ang batang kumilos nang naayon sa tama. Hindi nakakatulong ang paggamit ng “good boy ka diba” o “bad boy ka talaga.” Siguraduhing alam ng bata kung ano ang tinutukoy mong ginawa niyang mabuti o hindi mabuti.

Ano pa man ang ginawa niya, ang pinakamahalaga sa lahat – tanggap mo siya.

Payong Magulang #4: Pagbutihin ang kaniyang mga kalakasan

Isa sa pinakamahalagang paraan upang maisulong ang pagpapatatag ay ang kaisipang mayroon tayong kasanayang lampasan ang mga paghamong ating nararanasan. Kailangang tukuyin at hubugin mo ang mga kasanayan ng iyong anak. Habang tumatalas ang mga kasanayan ng bata, lalo niyang nakikitang walang hamong hindi niya kayang lampasan.

Makakaramdam siya ng tagumpay. Higit niyang pagbubutihin ang mga ginagawa dahil sa lumalakas na tiwala sa sarili. Sa kalaunan, makikita niyang mayroong kabuluhan ang kaniyang mga ginagawa sa daigdig.

Maaaring napapansin ng guro na may kahinaan ang isa niyang mag-aaral sa pagsusulat pero napapansin din niyang mayroon siyang talino sa pagguhit. Upang mabigyan niya ang kaniyang mag-aaral ng tiwala sa sarili, ipinaskil ng guro ang mga guhit ng kaniyang estudyante sa loob ng silid. Ipinapakita nito na hindi maikakahon ang bata dahil lamang sa kaniyang kahinaan.

Mahusay siguro ang anak mo sa pakikipagkaibigan, sa kaniyang buhay-akademiko, sa musika, sa palakasan, o sa marami pang paraan. Makasisiguradong higit mo siyang pinatatatag sa pagpapalakas ng kaniyang mga kasanayan.

Payong Magulang #5: Pagkakataong matuto sa pagkakamali

Anong ginagawa mo kapag nabibigo? Ikaw ba yung tipong taong sumusuko kapag nahihirapan? Ikaw ba yung tipong bumibigay at bumabalik na lamang sa kung alin ang masmadali? O ikaw ba yung tipong taong sumusubok muli tuwing nagkakamali?

Kapag nagkakamali ang iyong anak, anong ginagawa niya? O baka higit na mahalaga, anong sinasabi mo sa kaniya?

Kapag mayroong pag-unawa ang bata na ang tagumpay ay nakakamit lamang habang nagkakamali, nabibigo o nahihirapan, nagiging mas katanggap-tanggap ang anumang pagsubok na kaniyang haharapin. Higit na matututo siyang subukan ang mahirap, ang kakaiba, at ang bago dahil para sa kaniya, mahalagang may matutunan mula sa karanasan.

Payong Magulang #6: Itaguyod ang pagkakaroon ng responsibilidad sapamamagitan ng pagbibigay ng responsibilidad

Maraming magulang ang nais magbigay ng responsibilidad sa kanilang anak subalit inaaming hindi nila pinagkakatiwalaan ang kanilang anak. Sa katapusan, hindi na lang sila nagbibigay ng tungkulin dahil sa takot na maging iresponsable ang kanilang anak.

Hindi makatutulong ang pagpapangaral lagi. Sa halip, nabubuo ang pagkakaroon ng responsibilidad mula sa mga pagkakataong maging responsibilidad, mula sa pagkakataong tumulong sa iba, at mula sa pagkakataong maging bahagi ng pamilyang nagtutulungan. Natuturuan ang batang maging matatag dahil kung hindi niya gagawin ang kaniyang bahagi, hindi magiging maayos ang kaniyang pagtulong sa iba at sa pamilya.

Payong Magulang #7: Turuan silang magdesisyon para sa kanilang sarili

Kapag humaharap sa isang paghamon ang bata, madalas sumasaklolo agad ang magulang. Gusto nilang pawiin at ayusin agad ang anumang problemang nararanasan ng kanilang anak. Kapag ito’y nangyayari tuwina, nababansot ang kasanayan ng bata magdesisyon ng wasto. Dagdag dito, humihina ang tiwala ng bata sa kaniyang sarili.

Isaalang-alang ito kapag humarap sa pagsubok ang bata. Makinig. Sa pakikinig, subuking unawain ang kaniyang nararanasan sa loob ng mundong kaniyang ginagalawan. Tanungin siya, “Ano sa tingin mo ang pwede nating gawin?”

Ipaalam sa batang tutulong at susuporta si mama o papa sa anumang mapagdesisyonan niya. Alukin mo siyang magdesisyon. Kung sakaling hindi gaanong kagandahan ang kaniyang naisip na desisyon, subuking magbigay ng ilang alternatibo. Pwede ring ilatag sa kaniya ang maaaring mangyari kung sakaling gawin niya ang kaniyang desisyon. “Paano kaya kung gawin nga natin ito. Ano kaya ang pwedeng mangyari?”

Habang ginagamit ng bata ang kaniyang pag-iisip sa pagpili ng kaniyang desisyon, nasasanay siyang tingnan ang maraming solusyon sa isang hamon. Kalaunan, magkakaroon siya ng higit na tiwala sa sarili.

Payong Magulang #8: Pagtuturo at hindi pagpaparusa ang disiplina

Laging magkakamali ang bata kahit na sinusubukan niya ang buong makakaya. Kaya, kailangan nating pagtuunan ng pansin ang pagtuturo sa halip na pagpaparusa sa kaniyang mga pagkakamali. Kadalasan, ang pagtuturo ay higit na mabisa kung atin siyang aanyayahang pagmunihan ang aral na kaniyang natutunan mula sa isang sitwasyon. Maaari siyang tanungin kung paano niya maiwawasto ang kaniyang pagkakamali. Hayaan natin siyang magdesisyon pero maaari ring magbigay ng mga alternatibong solusyon tulad ng paghingi ng paumanhin, pag-amin sa kasalanan o pagbalik sa bagay na ninakaw.

Sa loob at labas ng paaralan, higit na mahusay sa buhay ang mga batang matatag. Ginagamit ng kanilang mga magulang ang balangkas sa itaas, at dahil dito:

  • ramdam ng mga bata na sila’y mahalaga at pinahahalagahan

  • natututo silang gumawa ng mga makabuluhang layunin

  • nakikilala nila ang kanilang mga kahinaan at kalakasan

  • nagtitiwala silang kayang malampasan ang mga hamon sa buhay

  • nakikita nilang ang pagkakamali ay pagkakataong maging mabuti sa susunod

  • komportable silang makisalamuha sa iba

  • nabubuo ang kanilang katatatagan kaya hindi sila madaling sumuko