top of page

3 Pagkakamali ng mga Magulang sa mga Anak Ngayon

Natatandaan mo ba noong ikaw ay nag-aaral pa? Tinuturuan ka ng iyong mga magulang. Sinusunod mo ang kanilang mga payo. Subalit, ngayong matanda ka na at magulang na rin, tila hindi lahat ng iyong natutunan mula sa kanila bilang magulang ay iyong ginagawa. Hindi lahat ng paraan kung paano ka pinalaki ay siya mo ring ginagamit. Mayroon ka sigurong mga nagustuhan at hindi nagustuhan sa kanilang pagpapalaki sa iyo. Dagdag dito, bumuo ka ng mga ideya at pamamaraang angkop din sa panahon.

Narinig mo na ba ang katawagang helicopter parenting? Ang mga magulang daw na parang helicopter ay yaong bantay ng bantay sa kanilang anak. Mapapansin mo silang naroroon sa bawat gawaing pampaaralan, dumadalo sa bawat PTC, nagbabantay sa paggawa ng takdang-aralin, at sumasaklolo sa tuwing nagkakaproblema sa paaralan. Hindi naman masama ang pag-alalay sa mga bata pero kung minsan ay sumusobra talaga.

Gusto natin ang pinakamabuti para sa ating anak. Sa kasamaang palad, nagkakaroon ng hindi mabuting epekto ang sumusobrang paraan natin ng pag-alalay sa kanila. Hayaan niyo akong magmungkahi ng tatlong malalaking pagkakamali na ginagawa ng mga magulang sa kasalukuyang henerasyon na mahalagang iwasto sa lalong madaling panahon.

1. Hindi Sapat ang Ating Pagtataya

Namumuhay tayo sa isang daigdig na puno ng babala. Makikita ang mga babala sa kahit aling sulok ng bahay at lipunan. Tingnan ang ilang gamit sa bahay at mababasa ang mga katagang toxic, high voltage, at flammable. Lumabas ng bahay at mababasa ang slippery when wet, steep curve ahead, at bawal tumawid; nakamamatay. Nagkaroon tayo ng mentalidad na mahalagang maging ligtas lagi. Kaya naman, panay paalala natin sa mga batang tumingin lagi sa bawat direksyon tuwing naglalakad sa daan, magsuot lagi ng helmet tuwing magbibisikleta, at magsuot ng safety belt tuwing nakasakay sa kotse. Talaga namang inilalayo natin sila sa anumang kapahamakan.

Ayon kay Gever Tulley, isang manunulat, “If you’re over 30, you probably walked to school, played on the monkey bars, and learned to high-dive at the public pool. If you’re younger, it’s unlikely you did any of these things. Yet, has the world become that much more dangerous? Statistically, no. But our society has created pervasive fears about letting kids be independent—and the consequences for our kids are serious.”

Sa kasamaang palad, hindi raw maganda ang mga epekto ng sobrang pagkakanlong sa mga bata.

Patuloy na gumagawa ng paraan ang mga magulang na gawing higit na ligtas ang kapaligiran. Mayroong maririnig na mga magulang na nagmumungkahing tanggalin ang ilang laruan sa playground para hindi magkadisgrasya. Mayroong mga magulang na nagmumungkahing iwasan ng guro gumamit ng pulang tinta sa pagwawasto dahil negatibo raw ang epekto nito sa bata. Bagaman nauunawaan ko ang intensyon ng mga ito na iligtas sa panganib ang mga bata, nabibigo naman ang mga magulang na ihanda sila sa tunay na kalagayan ng mundo sa labas.

Napag-alaman ng maraming sikolohista sa Europa na ang batang hindi nakapaglalaro sa labas at hindi pinapayagang makaranas ng sugat, gasgas o galos ay nagkakaroon ng phobia pagtanda. Lumabas sa kanilang panayam na takot ang mga lalake at babae sa pagitan ng edad 22-35 na masaktan at tumaya muli sa loob ng isang relasyon. Takot silang pumasok sa isang tunay, seryoso, at pangmatagalang relasyon. Alam naman nating kailangang bumagsak ng ilang beses upang matutunang normal lang iyon; kailangang matutunang may paglagong nagaganap sa pamamaalam at pagsubok muli. Sa katotohanan, kailangan talagang masaktan kung minsan upang maunawaan kung may kailangang iwasto sa susunod.

Sa pagtanggal ng maraming magulang ng balakid upang magtaya ang kanilang mga binata at dalaga, hinahayaan natin silang umasa lagi sa kanilang mga magulang. Kaya naman, mapapansing naglipana ang mga lalake at babaeng nakatira pa rin sa bahay ng kanilang mga magulang o hindi pa rin nakapagsisimula ng kanilang career o wala pa ring seryosong relasyon sa edad na 35.

2. Sumasaklolo tayo agad-agad

Hindi tulad noong tatlong dekada ang nakalipas, hindi pa natututunan ng henerasyong ito ang ilang mga kasanayang kailangan sa buhay dahil agad sumasaklolo ang matatanda upang ayusin ang problema ng mga bata. Tinatanggalan ng matatanda ang mga bata ng pagkakataong hanapin ang solusyon sa loob ng kanilang paghihirap. Ang mga sumusunod ay hango sa tunay na pangyayari.

Mayroong mga aplikante sa kolehiyo na hindi pa nakararanas punan ang isang application form. Upang hind magkamali ang bata, ang magulang na ang sumasagot nito.

Mayroong estudyante sa kolehiyo na nakatanggap ng markang C sa kaniyang proyekto. Pagkatapos ng klase, inabot niya ang cellphone sa kaniyang propesor at sinabing nais siyang makausap ng kaniyang magulang.

Nang mahuli ang isang binata sa kalye dahil hindi siya sumunod sa batas trapiko, tumawag siya sa kaniyang magulang na abugado upang ipakausap sa mamang pulis.

Maaaring marahas itong marinig subalit ang pagsaklolo agad-agad sa mga bata at pag-abot agad sa kanila ng solusyon ay isang paraan ng child abuse. Ito ay isang panandaliang pamamatnubay na nakalilimutan ang pangmatagalang epekto. Sa halip na ang ituro ay pamumuno at pagsasarili, hinuhubog silang maging lumpong kailangan lagi ng alalay. Tulad ng mga kalamnan sa loob ng isang nakasementong baling braso, humihina rin ang mga kasanayang pang-sosyal, emosyonal, espiritwal at intelektwal kung hindi sila ginagamit. Halimbawa, matapos ang klase, nakikipaglaro ako sa aking mga kamag-aral. Pamsinsan-minsan, may mga hindi kami napagkakasunduan pero lagi namin itong sinusubukang gawan ng paraan. Natutunan kong gamitin ang iba’t ibang paraan ng pakikisalamuha. Minsan ako ang gumagawa ng patakaran at kung minsan ay sila. Natutunan ko ring sumunod sa anumang patakarang inilatag. Sinanay ko ang sarili kong hindi magyabang dahil ayaw ng mga kalaro ko ng mayabang. Higit sa lahat, natutunan kong humingi ng paumanhin. Ngayon, bukod sa hindi na nga nakakapaglaro ang mga bata pagkatapos ng klase, ang mga magulang na agad ang naghahanap ng paraan para magbati ang magkalaro.

Sa katotohanan, gusto ng mga batang may sumasaklolo sa kanila. Sino bang may ayaw? Kapag mayroon silang gagawing maaaring delikado, kapag mayroon silang papasuking maaaring mahirap, at kapag mayroon silang lalaruing puwede silang matalo, naririyan ang matatandang gagawin itong ligtas, madali at sisiguraduhing makakaranas sila ng tagumpay. Pero ito nga ba ang nangyayari sa tunay na buhay? Hindi.

3. Masyado ang Ating Pagpupuri

Dekada ’80 pa lang, binibigyan na natin ng pagkakataong makaramdam ng saya ang mga bata dahil naniniwala tayong namumukod-tangi at espesyal sila, anuman ang kanilang ginawa. Matagal na nating binibigkas ang mga katagang:

“Ang galing mo!”

“Ang tali-talino talaga ng anak ko.”

“Talagang espesyal ka.”

“’Da’ best ka talaga!”

Hindi ko sinasabing huwag nating bigyan ng papuri ang mga bata. Kailangan din nila iyan para sa kanilang self-esteem. Maganda ang intensyon ng papuri pero ayon sa isang pagsusuri, ang maling paraan ng papuri ay mayroong hindi magandang epekto. Sa aklat ni Dr. Carol Dweck na Mindset, inilarawan niya kung paanong nagkaroon ng hindi magandang epekto ang isang uri ng papuri sa isang pangkat ng mga mag-aaral sa ikalimang baitang.

Mayroong dalawang pangkat ng mag-aaral sa ikalimang baitang na kumuha ng pagsusulit. Sinabihan ng guro ang unang pangkat na “kailangan niyong maging matalino,” habang sinabihan naman ang ikalawang pangkat na “kailangan niyong maging masipag.” Nang alukin ang dalawang pangkat ng pangalawang pagsusulit, sinabihan silang magiging higit na mahirap ang pagsusulit kaysa una pero hindi nila kailangang kunin ito. Hindi kumuha ng pagsusulit ang nobenta porsyento (90%) ng mga bata sa unang pangkat. Bakit? Natakot daw ang mga batang mapasinungalingan ang kanilang pagiging ‘matalino’. Habang kakaunti lang ang kumuha sa unang pangkat, halos lahat naman sa pangalawang pangkat ay kumuha ng pagsusulit. Bagaman mababa ang nakuha ng mga bata, napansin ng mga nagsasaliksik ang ilang bulungang paborito daw nila ang pagsusulit na iyon – patunay na gusto ng mga na sa ikalawang pangkat na mahamon. Bago matapos ang pagsasaliksik, nagbigay ng ikatlong pagsusulit sa lahat at ano ang resulta? Higit na nakatanggap ng mababang marka ang mga mag-aaral sa unang pangkat habang 30% masmataas ang mga marka ng mga batang na sa ikalawang pangkat. Konklusyon ni Dweck na papurihan ang mga bata ayon sa kanilang kayang makontrol. Kapag pinapurihan natin ang kalikasan ng tao tulad ng kaniyang talino o ganda, nabibigyan mo nga sila ng kumpiyansa pero hindi mo sila natuturuang magtrabaho. Iwasan nating sabihin nila sa kanilang sarili na “Hindi ko nalang gagawin ito kung mahirap ito.”

Dagdag pa rito, ayon kay Dr. Robert Cloninger ng Washington University sa St. Louis USA, isang mananaliksik sa utak, kailangan daw matutunan ng utak na makakayang lagpasan ang mga kabiguan. Kailangang matutunang sabihin ng utak na ‘huwag sumuko,’ ‘huwag tumigil’ at ‘kaya mo pa iyan’ tuwing mayroong suliranin. Ayon din sa kaniya, hindi lalaking mapagpunyagi ang taong maraming papuri ang natatanggap dahil madali siyang sumuko kapag wala ng gantimpala sa dulo.

Isang mabisang analohiya tungkol sa kahalagahan ng pagdanas ng hirap ay ang pagbabakuna. Kapag binakunahan ka, iniinyeksyunan ka ng sakit na kailangang paglabanan ng katawan mo. Sa kalaunan, matututunan ng katawan mong talunin ang sakit na ito kaya ikaw ay nagiging immune dito. Tulad ng pagbabakuna, mabuting makaranas ang mga bata ng hirap, mabagot, mahamon, hindi makaramdam ng ginhawa at marami pang iba nang sa gayon ay matutunan nilang gumawa ng paraan upang mapaglabanan ang mga ito.

Ano sa tingin mo? Masyado na kayang ginagawang ligtas ng mga magulang ang kapaligiran para sa kanilang mga anak?

Recent Posts