Kaya mong Iwasan Mag-Tantrum si Bunso
Naglalakad ka sa loob ng department store kasama ang iyong batang anak. Habang tumitingin-tingin ng mabibili, may nakita siyang laruan. Hinatak niya ang kamay mo at itinuro ang laruang gusto niya. Maya-maya, nakita mo na ang sarili mo sa isang sitwasyong kinatatakutan ng maraming magulang. Nagdadabog at umiiyak ang anak mo habang nakahandusay sa sahig. Pinagtitinginan ka na ng mga tao sa iyong paligid. Ano na ang gagawin mo? Nag-tantrum na naman si bunso.
Sa tingin mo, maaari mo kayang maiwasan ang pag-ta-tantrum ni bunso? Ano kaya ang mabisang reaksyon dito? At bakit kaya nagkakaroon ng tantrum ang mga bata?
Isaalang-alang ang mga sumusunod:
Bakit nagkakaroon ng tantrum?
Ang tantrum ay pagpapahayag ng damdaming pagkabigo ng isang bata. Kapag nabibigo niyang makuha ang isang bagay o nabibigo niyang gawin ang isang bagay o nahihirapan siyang matapos ito, o hindi niya mahanap ang mga wastong salita para maipahayag ang kaniyang saloobin, lumalabas ang pagkagalit sa sitwasyon. At ang resulta - lumalabas ang tantrum.
Madalas lumalabas ang mga emosyong ito sa pagitan ng dalawa at tatlong taong gulang. At sa murang edad na dalawa o tatlong taong gulang, limitado talaga ang bokabularyo ng mga bata. Kaya, kapag may gustong sabihin ang mga bata sa atin at hindi natin sila maintindihan o hindi natin nagagawa ang gusto nilang mangyari, lumalabas ang kanilang tantrum.
Ganun din kung ang mga bata’y gutom, uhaw o pagod. Madaling sumama ang kanilang pakiramdam. Tantrum uli ang katapat nito.
Sinasadya ba ng mga batang mag-tantrum?
Siguro naiisip mo kung minsan na sinasadya ng mga bata ang magalit, magdabog at mag-tantrum para lang mairita ka. Huwag. Hindi pa sila ganun kagaling para magplano ng ikaiinis mo.
Ang totoo nito, talagang hindi lang nila maipahayag ng mabuti ang kanilang gusto o saloobin. Para sa mga nakatatandang bata, ang pag-ta-tantrum ay isang natutunang pag-uugali. Sa kanilang paglaki, kapag nakikita nilang gumagana ang kanilang pag-ta-tantrum at nakukuha nila ang kanilang gusto sa halip na maipahayag ng maayos ang gusto o saloobin, dadalhin nila ang pag-uugaling ito hanggang sa kanilang pagtanda.
Kaya bang maiwasan ang mga tantrum?
Walang garantisadong paraan para maiwasan ang isang tantrum pero maraming paraan para mahimok ang mga positibong pag-uugali sa mga bata.
Mga Halimbawa:
Maging consistent: Bumuo ng karaniwang gawain o routine para sa iyong anak nang masanay siya. Sanayin siya matulog at gumising sa nakatakdang oras. Pakainin siya at padumihin sa CR sa wasto at nakatakdang oras. Ang mahalaga ay mayroong siyang sinusunod na schedule.
Magplano: Kung kailangan mong lumabas ng bahay para pumunta sa tindahan, tiyempuhan mo kung kailan hindi siya gutom o pagod. Makatutulong din ang magdala ng mga laruan o aklat para malibang siya.
Himukin ang iyong anak na ihayag ang saloobin gamit ang sarili niyang mga salita: Nakakaintindi ang bata ng maraming salita pero hindi pa nga lang niya masambit ang mga ito. Kung hindi pa gaanong nagsasalita ang anak mo, maaari siyang turuan ng ilang mga senyas sa kamay para sa mga salitang ‘gusto ko’, ‘pahinge pa’, ‘painom’, ‘masakit’ o ‘pagod ako’. Kung nakakapagsalita na siya, pwede mong tanungin ang gusto niyang mangyari tulad ng ‘gusto mo ba nito’, ‘gutom ka ba’ o ‘antok ka ba’. Habang tumatanda siya, himukin mo siyang sabihin ang kaniyang nararamdaman tulad ng pagtatanong ng ‘galit ka ba’ o ‘malungkot ka ba’.
Papiliin mo siya: Para magkaroon ng pakiramdam ang iyong anak na mayroon siyang kalayaan, papiliin mo siya. Tanungin mo kung, ‘gusto mo ba isuot itong pula o itong dilaw’, ‘gusto mo ba ng mansanas o ng saging’, ‘gusto mo bang laruin itong Lego o itong kotse’. Pansinin na ikaw ang nagbibigay sa kanila ng pagpipilian.
Purihin siya sa kaniyang mabuting pag-uugali: Kapag may nagawa siyang bagay na ikinatuwa mo tulad ng pagsunod sa iyo o pagpapahiram ng kaniyang laruan, bigyan mo siya ng halik, yakap o mga salitang pasasalamat sa kaniyang ginawa.
Gumamit ng mga paraang pang-abala o pang-distract sa pokus ng bata: Tuwing nararamdaman mong may parating na tantrum, subukang magturo ng isang bagay at pag-usapan ito. Subukang maglabas ng laruan at maglaro kayo. Subukang sumayaw at kumanta para siya ay malibang. Pwede ring ilayo siya sa lugar kung nasaan kayo nang mabago ang kaniyang nakikita.
Iwasan ang mga lugar kung saan maaaring magsimula ang tantrum: Kilala mo ang anak mo. Tuwing nakakakita siya ng laruan o mga kendi, hindi niya maiwasang magturo at magpabili. Puwes, huwag mo siyang dalhin sa mga lugar na iyon kung hindi mo naman siya mabibili ng magugustuhan niya.
Pero kung sakaling nagsimula na siyang mag-tantrum, ano ang gagawin?
Kapag nagsimula na siyang magdabog at umiyak, at hindi nagiging mabisa ang pang-aabala mo at pagkakausap sa kaniya, huwag mabalisa. Relax ka lang. Tanungin mo siya kung anong gusto niya at kung hindi ka niya sinasagot, sabihan mo siya na itatabi mo lang muna siya para magpahinga. Pauupuin mo siya sa isang lugar na komportable hanggang tumigil siya sa pag-iyak.
Mahirap itong gawin sa umpisa ngunit dahil consistent ka sa routine na ito tuwing siya ay nag-ta-tantrum, masasanay din siya dito. Sapamamagitan nito, matututunan niyang kontrolin ang kaniyang emosyon. Sa kalaunan, matututunan niyang sabihin ang kaniyang nararamdaman at maiiwasan mo ang kaniyang pag-ta-tantrum.
Panoorin kung paano ginagawa ng mga magulang na ito ang pagtugon sa tantrum: